Wednesday, November 01, 2006

Midyang 'komunista'?

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 34
Agosto 30 3006

NAROON siya, nakaupong isang akbay lang ang layo kay Maj. Gen. Jovito Palparan, habang banayad na inilalahad ang “impiltrasyon ng mga Komunista sa masmidya” sa Kapihan ng Bayan sa Sulo Hotel nitong Agosto 21. Larawan siya ng isang burukratang ganap na nakakatiyak sa katumpakan at katarungan ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bunganga. Ito’y kumpiyansang makukuha lamang ng isang nilalang kung siya ay gaya ng isang Norberto Gonzales, tagapayo ng presidente sa pambansang seguridad.

Ang nagsasalita ay wala ngang iba kundi siya.

Ngunit hindi na bago ang tesis ni Gonzales. Kung bomba ang inaasahan niyang pasabugin sa nasabing press conference, kalpot ang putok noon. Lumang tugtuging pinagsawaan na ng panahon ang pagbabansag niya sa mga mamamahayag bilang “Komunista.” Ang masama pa nito, tila siya isang mapanlarong kolumnista ng tsismis na walang kayang maihayag kundi ang iwas-pusoy na blind items.

Ayon sa mga beteranong mamamahayag, laging ginagamit ng gobyernong nasa krisis ang taktika ng red-baiting tuwing batbat ang mga hedlayn ng kapalpakan at kamalian ng mga nasa poder.

Pangamba ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines), ginagawa ito ng gobyerno hindi lamang para sirain ang imahe ng midya at ang kredibilidad ng kanilang mga ulat, kundi para bigyang-katwiran din ang patuloy na pamamaslang ng mga mamamahayag, tulad ng pagpatay ng mga aktibista na napakadaling bansagang miyembro ng CPP (Communist Party of the Philippines).

Bintang ni Gonzales

Nang hindi nagbabanggit ng mga bilang o pangalan, tiniyak ni Gonzales na may ilang mamamahayag na nirerekrut ng CPP. “At mukhang nagtatagumpay (ang CPP),” sabi niya.
Bagaman siniguro ni Gonzales na hindi magkakaroon ng sensura at pagtugis sa mga mamamahayag na umano’y miyembro o sumisimpatiya sa CPP, nagbabala siya para bantayan ng midya ang kanilang hanay.

Inamin din ng tagapayo ni Arroyo na ginagawa ng gobyerno ang profiling o paggawa ng dosyer ng mga miyembro ng midya. Ang dosyer ay instrumento ng military intelligence sa pag-iipon ng “derogatory information” tungkol sa tinatarget nitong mga tao.

Sinang-ayunan naman ng Malakanyang ang mga umano’y “nakakabahalang obserbasyon” ni Gonzales hinggil sa mga mamamahayag. “Kung alam natin kung sino sila, dapat siguruhing hindi sila lalabag sa Revised Penal Code,” sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita.

Ngunit sinalubong ng pagkondena ng mga senador at mga grupo ng mamamahayag ang deklarasyon ni Gonzales. Ayon sa kanila, tahasang kapraningan, pananakot, at paglabag sa karapatang pantao ng mga nasa masmidya at kalayaan sa pamamahayag ang nasabing mga akusasyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Vergel Santos, tagapangulo ng Board of Trustees ng Center for Media Freedom and Responsibility, na “ginawa na ni Marcos ang pagbansag na komunista sa midya, at ginagawa ulit ito ngayon ng administrasyong Arroyo. Isa itong lumang patibong na ginagamit lagi ng administrasyong walang kumpiyansa sa sarili.”

‘Walang Masama’ sa Komunismo

Para kay Sen. Joker Arroyo, walang masama kung maging komunista ang isang miyembro ng midya dahil hindi naman ito ipinagbabawal sa isang demokrasyang katulad ng Pilipinas. “Hindi gumagawa ng krimen ang reporter na yumayakap sa komunismo dahil hindi krimen ang maniwala sa isang ideyolohiya,” aniya.

Simula nang ibasura ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law noong 1992, dapat ay hindi na iligal ang maging kasapi ng CPP. Ngunit sa katotohanan at sa takbo ng mga pangyayari, iligal pa rin. Itinuturing pa ring “pinakamasasamang kaaway” ng gobyerno ang mga indibidwal at grupo na tinataguriang “komunista.” Lantarang ginagamit ang bansag na ito para supilin at dahasin maski ang mga miyembro ng midya.

Nang magdeklara ng batas militar noong Setyembre 21, 1972, unang iniutos ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagsasara at takeover sa mga pasilidad ng midya para umano mapigilan ang pagdaloy ng “propagandang komunista.” Inaresto at ikinulong ang maraming mamamahayag.

Noong 2005, inilabas ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang kontrobersiyal na presentasyong PowerPoint na “Knowing the Enemy.” Kasama ng iba pang mga legal na organisasyong pangmasa, tinukoy ng militar na ang NUJP, ang pinakamalawak na organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas at ang premyadong Philippine Center for Investigative Journalism, ay nasa ilalim ng CPP.

Nang ideklara ni Pangulong Arroyo noong Pebrero 24 ang state of national emergency para pigilan umano ang mga puwersang maka-Kaliwa at maka-Kanan na “nagsabwatan sa pagpapabagsak ng gobyerno,” isa ang midya sa mga unang binalingan ng galit. Hinalughog at binantayan ang tanggapan ng Daily Tribune—pahayagang kilalang kritikal sa pamunuang Arroyo. Tiniktikan din ang magasing Newsbreak at nagdeploy ng mga sundalo sa palibot ng ABS-CBN at GMA 7.

Kritikal na Hedlayn

Bilang patunay umano na napasok na ng mga komunista ang midya, sinabi ni Gonzales na karamihan sa mga balitang lumalabas sa hedlayn ay maka-Kaliwa at kontra sa gobyerno.

Bagay itong pinagtawanan ni Joe Pavia, tagapangulo ng Philippine Press Institute at beteranong mamamahayag. “Anong karapatan nila na sabihin iyon gayong hindi naman sila diyarista? Kahit sino, maaaring bigyang kahulugan ang balita ayon sa kanyang kinikilingan. Bakit, kung right-leaning ba ang hedlayn, may problema? O walang problema dahil pabor sa kanila, ganon ba yon?” bulalas niya sa isang panayam.

Ayon naman kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng CPP, “Hindi resulta ng communist infiltration kung kritikal man sa gobyerno ang pag-uulat (ng midya). Marami lamang sa mga mamamahayag ang tumutupad ng kanilang tungkulin sa matapat na pagbabalita.”

Idiniin ni Rosal ang mahalagang papel ng midya sa pagbibigay sa mga mamamayan ng tamang impormasyon at pagsusuri hinggil sa “kasinungalingan, korapsiyon, pagpapakatuta, brutalidad, at iba pang kabuktutan ng gobyernong Arroyo.”

Pananakot at Takot

Sa huli, takot sa hanay ng mga mamamahayag at pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ang muling inihasik ng gobyernong Arroyo sa mga pahayag ni Gonzales.

“Maraming mamamahayag ang talagang natakot hindi dahil komunista sila, kundi dahil doon sa konteksto na maraming pinapatay at hindi alam kung sino yung pumapatay. Inilista yung media organizations na enemy of the state, kaya natatakot ang mga mamamahayag na maging target sila ng paniniktik. Kahit komunista ka o hindi, sa pag-profile pa lang sa iyo, isa na ’yang paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Joe Torres, tagapangulo ng NUJP.

Noong 2004 at 2005, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansa na may pinakamaraming pinatay na mamamahayag. May 10 na ang pinapatay ngayong taon. Umaabot sa 45 ang mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mas marami kaysa noong batas militar.

Dagdag pa ni Torres, “Dahil sa takot, mag-aalanganin na ang mamamahayag dun sa iinterbiyuhin niya. (At dahil sa pag-aalanganin), magkakaroon ng pagpipigil sa sarili o prior restraint. At kung may prior restraint, paglabag na ito sa kalayaan sa pamamahayag.”

Tuloy ang Trabaho

Batay sa karanasan ni Julie Alipala, correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Zamboanga City, nakapinsala sa gawain niya ang pagbansag sa kanya ng AFP bilang “komunista.” Ito’y dahil lamang sa minsang pagtatrabaho niya sa Ecumenical Movement for Justice and Peace, isang ligal na organisasyong pangkarapatang pantao na binabansagan ng militar bilang prenteng komunista.

“Hindi ka mabibigyan ng statement (ng AFP) kung di ka magpupumilit. Iniisip kasi nila, baka nagbibigay ka ng impormasyon sa kabila,” sabi ni Alipala sa isang panayam.

Sa giyera laban sa bandidong Abu Sayyaf sa mga probinsya ng Basilan at Sulu kung saan napapasama ang imahe ng AFP sa mga balita, nangangamba si Alipala na baka “terorista” naman ang itawag sa midya kapag napikon ang militar. Noong 2002, nakatanggap ng banta sa buhay si Alipala matapos niyang ibulgar na AFP ang nasa likod ng pagdukot sa mga reporter ng GMA 7 na sina Carlo Lorenzo at Gilbert Ordiales.

Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng di-makatarungang pagbabansag at pagtrato, patuloy si Alipala sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag. “Lagi akong gumagawa ng mga ulat na laban sa militar, laban sa kahit kanino. At yung iba, natanggal na sa puwesto dahil sa pagbubulgar ko. Kaya kahit maraming pananakot, kapag nagsulat ka ng totoo, walang dahilan para matakot,” aniya.

Baka higit pa sa isang press conference ang kailangang idaos ni Norberto Gonzales upang masawata ang mga nasa midya na patuloy na tumutupad ng tungkulin sa malaya at matapat na pamamahayag, sukdulang tawagin silang midyang Komunista.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home