Wednesday, November 01, 2006

Ganito ba dapat ituring ang mga bagong bayani?

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 29
Hulyo 26 2006

Hindi mailigtas ng gobyerno ang mga “bagong bayani” na siyang nagliligtas sa ekonomiya ng bansa.Sa opisina ng Owwa (Overseas Wokers Welfare Administration) sa Pasay City, dumaragsa upang humingi ng tulong ang mga kaanak ng libu-libong OFWs (Overseas Filipino Workers) na naiipit sa giyera ng Israel at Lebanon. Libreng tawag sa telepono at kaukulang payo ang serbisyong inihahatid ng Owwa.

Ang ilan, pinapalad makakontak sa mga mahal sa buhay. Ang marami, hindi makakontak bunga ng sari-saring dahilan—napuputol ang linya, walang sumasagot sa telepono, hindi alam (o hindi sinasabi) ng amo kung nasaan ang kaanak. Ang ilan, napag-alamang nasa evacuation centers na sa Beirut ang kanilang anak, magulang, asawa, o kapatid. Ang marami, magugulantang na lang sa sumbong ng kanilang kaanak na ayaw silang pakawalan ng amo.

Ngunit “masama” man o “maganda” ang balitang makalap mula sa kanilang minamahal sa buhay, walang kaanak ang umuuwi nang panatag ang loob. Batay sa itinakbo ng mahigit isang linggong giyera at sa naging pagtugon ng gobyerno, unti-unti na nilang nalalasahan ang isa na namang mapait na katotohanan—na mananatiling suntok sa buwan ang pag-asang mailalayo sa panganib ang mahigit sa 30,000 Pilipinong manggagawa sa Lebanon.

Kulelat na paglikas

Noong Hulyo 20, walong araw matapos sumiklab ang giyera sa Gitnang Silangan, saka lamang naglabas ng pondo at iniutos ni Pangulong Arroyo ang paglikas ng OFWs mula sa Lebanon. Noong Hunyo 23 lang nakarating sa Maynila sakay ng isang chartered plane ang may 229 OFWs—ang unang batch ng mga inilikas. Umalis sila sa Beirut sakay ng isang bus noong Hunyo 20 at bumiyahe patungong Damascus, Syria, na narating nila noong Hunyo 21.

Bagaman ipinagbubunyi ang ligtas na pag-uwi ng unang batch ng OFWs, marami ang pumupuna sa naging mabagal na pagtugon ng gobyernong Arroyo sa problema ng OFWs sa Lebanon.
“Sa takbo ng evacuation process, ang bagal talaga. Hinintay pa ng gobyernong Arroyo yung Level 4 bago nanawagan na kailangan nang lumikas ng mga Pilipino. Kung kailan halos wala na silang way, ano pang pwede nilang gawin para tumakbo?” himutok ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng grupong Migrante International sa panayam ng PINOY WEEKLY.

Noong Hulyo 22, iniutos ng DFA (Department of Foreign Affairs) ang sapilitang paglikas ng 2,000 OFWs mula sa Timog Lebanon dahil itinaas dito ang Alert Level 4 bago lusubin ng Israeli Defense Forces. Umiiral pa rin ang Alert Level 3 sa ibang bahagi ng Lebanon.

Sa kabilang banda, nang nagsimulang bombahin ng Israel ang Lebanon noong Hulyo 12, agad nagpadala ng mga bus, barko at helikopter ang gobyerno ng ibang mauunlad na bansa katulad ng Estados Unidos, Great Britain, at France para ilikas ang libu-libo sa kanilang mga kababayan na naninirahan doon. Maging ang mga mamamayan mula sa ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya katulad ng India at Thailand, nauna nang nailikas ng kanilang gobyerno.
Dalawa lamang ang relatibong ligtas na ruta ng paglikas mula sa Beirut—ang papuntang Cyprus sa pamamagitan ng barko, at papuntang Syria sa pamamagitan ng bus. Binomba ng Israel ang international airport ng Lebanon kaya’t hindi ligtas na lumikas sa pamamagitan ng eroplano.
Inutil na gobyernoBagaman libu-libong OFWs pa ang naiiwan sa Lebanon, mahigit 1,000 OFWs pa lamang ang nakakapagrehistro sa embahada ng Pilipinas.

Katuwiran ni Secretary Arthur Brion ng Dole (Department of Labor and Employment), ito’y dahil ayaw umuwi ng ibang manggagawang Pinoy. “Mula sa aming karanasan (sa nakaraang krisis), hindi namin inaasahan ang lahat nating kababayan sa Lebanon na mag-avail sa alok ng gobyernong Pilipino para sa repatrasyon,” aniya.

Hindi rin nakikita ng gobyerno na magkakaroon ng mass exodus o malawakang paglikas ng OFWs sa Lebanon, pahayag ni Undersecretary Esteban Conejo ng Migrant Affairs ng DFA. Aniya, “Ang military targets ng Israel ay tiyak na tiyak... sa ngayon, pili ang kanilang binobomba, hindi carpet bombing . . . wala pang malaganap na karahasan sa mga kalsada.”
Ngunit ayon sa Migrante International, sinasabi lamang ng gobyerno na maraming OFWs ang ayaw umuwi at nananatiling ligtas ang Lebanon dahil gusto nitong pagtakpan ang pagka-inutil sa paglikas ng OFWs.

Sa ika-10 araw ng paglusob ng Israel sa Lebanon, 330 katao na ang namamatay habang 1,200 ang sugatan, sangkatlo nito ay mga bata. Isang OFW, si Rosalyn Cuevas mula sa Bacolod City, ang napaulat na nasugatan at kasalukuyang nasa ospital.

“Malinaw itong indikasyon na lumalala ang sitwasyon sa Lebanon at hindi ligtas para sa OFWs,” sabi ni Bragas-Regalado.

Sinabi rin ng Migrante International na maraming OFWs ang ayaw pakawalan ng kanilang mga amo kaya’t gustuhin man, hindi makapunta sa embahada o sa dalawang simbahan sa Beirut na itinakdang evacuation centers ng gobyerno. Nakumpirma ito ng PINOY WEEKLY sa mga panayam sa kaanak ng OFWs sa Lebanon. (Tingnan ang kaugnay sa istorya.)

Hinaing ng Migrante International, walang ginagawa o kakayahan ang mga tauhan ng gobyernong Arroyo sa Lebanon para sunduin ang mga OFWs sa bahay ng kanilang mga amo. Bagkus, marami ang napipilitang tumakas, gaano man kapanganib, o kaya ay nakikipagsapalaran na lang kasama ng kanilang mga amo.

Marami rin umanong OFWs na walang nakakaalam sa address ng amo dahil ang karaniwang nakalagay sa kontrata ay P.O. Box lamang ng recruitment agency. ” Kung susuriin mo, kapalpakan pa rin ng gobyerno yon. Kasi, bakit mo papayagan ang kontrata na walang malinaw na address ng employer? Ganoon ang kalakaran ng Middle East at pumayag doon ang gobyerno, kasi ang layunin lang nito ay makapagpaluwas (ng mga Pilipino) at kumita doon,” ani Bragas-Regalado.

Pondo mula sa OFWs

Ibinulgar din ng Migrante International ang paggamit mismo sa pera ng OFWs para pondohan ang paglikas ng mga Pilipino mula sa Lebanon. Lumalabas kasi na nagmula sa Owwa ang P150-Milyon at $500,000 pondo na ipinalabas ng gobyernong Arroyo para sa nasabing krisis.
Ang Owwa ang ahensiyang nangangalaga sa bilyun-bilyong pondo ng OFWs na nalilikom mula sa membership fees na ibinabayad ng mga manggagawa bago mangibang-bansa.

Sa pahayag ng pangulo, sinabi lamang nito na inilagay ng Department of Budget and Management sa Assistance to National Fund ng DFA ang nasabing pondo ngunit hindi binanggit kung saan ito kinuha.

Gayunman, sa isang press conference noong Hulyo 21, kinumpirma ni Brion na nagmumula sa Owwa ang milyun-milyong pondo para sa paglikas ng mga OFW sa Lebanon. “Bilang tugon sa hiling ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, mabilis na pinayagan ng Owwa Board of Trustees ang paggamit sa standby fund bilang bahagi ng calibrated responses ng gobyerno sa krisis sa Lebanon na umaapekto sa mga OFW,” aniya.

Sinabi din ni Dole Usec. Danilo Cruz na nanggaling sa Owwa ang $500,000 paunang pondo na ipinalabas ni Pangulong Arroyo.

”Yung pondo ng Owwa, para yan sa rehabilitation program, sa mga benepisyo ng mga migranteng manggagawa. Dapat ang pangulo, magbigay man lang ng kahit isang milyon mula sa kanyang sariling emergency fund. Dapat tanganan nito ang seguridad ng mga OFW at hindi ipasa ang responsabilidad sa OFWs din,” sabi ni Bragas-Regalado.

Tinukoy ng Migrante International ang P100-M Emergency Repatriation Fund ng DFA na itinatakda ng 1995 Magna Carta for Overseas Filipinos Act na maaaring pagkunan ng pondo. Maaari rin umanong gamitin para sa paglikas ng OFWs sa Lebanon ang P1-Bilyong pondo ng gobyerno para sa all-out war laban sa mga komunistang rebelde.

Sa pagtantiya ng grupo, aabot sa mahigit P1.6-B ang kakailanganin ng gobyerno para ilikas ang mahigit sa 30,000 OFWs na naiipit sa giyera (batay sa komputasiyon na P300,000 kada chartered flight na may 300 katao).

“Kung tutuusin, may pondo ang gobyerno na ilikas lahat ng OFWs sa Lebanon kung gugustuhin nito. Lalong tumitingkad na wala talagang concern yung gobyerno sa OFWs at kaya lang dine-deploy yung mga kababayan sa ibang bansa ay para kumita,” sabi ni Bragas-Regalado.

Tinataguriang mga “bagong bayani” ang OFWs dahil sa kanilang bilyun-bilyong dollar remittances na tumutungkod sa pilay na ekonomiya ng bansa. Noong 2005, umabot sa $10.3-B ang remittances ng OFWs at inaasahang lumaki pa ito ng 10 porsiyento ngayong taon.
Dahil na rin sa pag-uudyok ng gobyerno at sa kawalan ng disenteng trabaho at kabuhayan sa bansa, tinatayang may pito hanggang walong milyong Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa, karamihan bilang domestic helpers, health workers, at laborers.

OFWs sa Lebanon: Walang takas

Gustuhin mang umuwi ng Pilipinas, maraming OFWs sa Lebanon ang hindi makakauwi. Ayaw silang pakawalan ng kanilang mga among nananatili sa mga tahanan o hindi kaya’y tumatakbo sa kabundukan sa pag-asang matatakasan ang naghuhulugang mga bomba. Isa dito si Arlene Achapero, 24, na tatlong buwan pa lang nagtatrabaho bilang domestic helper sa Lebanon nang pumutok ang giyera.

Sa telepono, ibinalita ni Arlene sa kanyang kapatid na si Angeles na tumakas sila ng kanyang amo sa kabundukan ng Aliog, tatlong oras ang layo mula sa Beirut. Hindi na nakapagdala ng damit si Arlene dahil sa pagmamadali. Sapagkat kailangan ng kanyang bagong-panganak na amo ang alalay, hindi siya pinayagang tumungo sa embahada o evacuation centers.

“Natatakot siya, gusto na raw niyang umuwi. Naririnig niya yung mga bomba, hindi siya makatulog. Yung missile, namimili ba yon ng lugar, hindi, di ba?” tanong ni Angeles. Pinayuhan niya si Arlene na tumakas sa amo at gumawa ng paraang makarating sa embahada, gaano man kapanganib bumiyahe.

Inaalala ni Angeles ang magiging reaksiyon ng kanilang 64 anyos na inang nasa Davao. Katulad niya, hindi ito makatulog at iyak nang iyak dahil sa pag-aalala sa kanilang bunso. Inamin ni Angeles na tutol ang kanilang magulang sa pangingibang-bansa ni Arlene, ngunit hindi mapigilan ang dalaga na nais tumulong sa paghahanapbuhay. Baon kasi sa utang ang pamilya Achapero, na umaasa lamang sa kinikita ng ina bilang guro sa isang pampublikong paaralan. Hindi na tinapos ni Arlene ang kanyang kurso sa kolehiyo.

Ito ang puna ni Angeles sa ginagawa ng gobyerno para matulungan ang OFWs sa Lebanon: ”Mahina. Puro na lang salita eh wala naman nangyayari. Ewan ko kung makakarating talaga dito [yung OFWs], kahit man lang mabawas-bawasan yung mga Pilipino doon na naghihirap sa giyera.”

Samantala, dalawang buwan pang paghihintay sa Beirut ang hinihingi ng amo ng magkapatid na Bellecero na sina Alma, 27, at Marife, 26.

Umiiyak ang kanilang ina na si Ednella matapos makausap sa telepono ang kanyang mga anak, bagaman siniguro ng mga ito na mabuti pa ang kanilang kalagayan. ”Natural, nag-aalala pa rin ako,” aniya.

Sa ngayon, nagkakasya na lang si Ednella, taga-Mandaluyong, sa madadalang na text message o missed call ng mga anak na nagtitipid din ng load. Mahirap kumontak sa Lebanon dahil may ilan nang imprastraktura ng telekomunikasyon ang nasira.

”Kahit nagte-text, kabado ka dahil hindi mo naman makita. Gustung-gusto na rin nilang umuwi, pero walang magawa. Hawak sila ng amo nila,” dagdag pa ng ina na inaming hindi mahihimbing ang tulog sa gabi hangga’t nasa alanganin ang buhay ng kanyang mga anak. Maisasalarawan ng unang batch ng OFWs na dumating sa bansa kamakailan ang hirap sa Lebanon. Halos lahat sila ay walang perang naiuwi, marami ang walang damit kundi ang suot, walang pasalubong kundi ang kumot at unan at ilang pirasong tsokolate na kinuha sa eroplanong sinakyan. Sa 78 tumakas sa kani-kanyang employer, marami ang may mga pasa dahil sa bugbog ng mga amo. Dalawa ang tulala at tila wala sa sarili, at may isang kung ilang buwan nang buntis dahil sa araw ng kanyang pagdating sa trabaho, ginahasa na agad siya ng kanyang amo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home