Wednesday, November 01, 2006

Hindi Man Nagkaroon ng People Power….

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 28
Hulyo 20 2006

Mula noong huling Sona (State of the Nation Address) hanggang ngayon, hindi matatawaran ang pagsisikap ng mga mamamayang Pilipino na igpawan ang kahirapan at panunupil na dinaranas sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Hindi man nagkaroon ng panibagong People Power, patuloy ang paninindigan ng taumbayan na sama-samang ipaglaban ang kanilang karapatan na mabuhay nang marangal at matiwasay.

Sa darating na Sona ni Pangulong Arroyo ngayong Hunyo 24, tinatayang 20,000 o higit pang mamamayan ang daragsa sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para iprotesta ang isang panunungkulang anila’y ilehitimo, tiwali, at walang respeto sa karapatang pantao. Mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, propesyunal, taong-simbahan, at iba pang sektor ng lipunan ang inaasahang dadalo sa pinakamalaking kilos-protesta ngayong taon. Pangunahing ikokondena ang Cha-Cha (Charter Change) at all-out war. Bukod dito, bitibit ng mga mamamayan ang mga karaingan sa hanapbuhay (katulad ng mababang sahod), mataas na presyo ng langis at iba pang bilihin, kawalan ng lupa, at iba.

Patunay itong mulat na lumalahok ang mga mamamayan sa mahahalagang isyung kinasasangkutan nila at sa proseso ng panlipunang pagbabago sa kalakhan. Patunay ito na sa kabila ng mga tangka na sila’y patahimikin, narito silang muling huhugos sa lansangan— organisado, lumalalaban, at may ibinabandilang mga tagumpay na nakamit ng mahigpit na pagkakaisa.

Tagumpay sa kabuhayan

Sa kabila ng paninindak at pandarahas, hindi napigilan ang mga mamamayan na magbuklod sa mga organisasyong nagtataguyod sa kanilang karapatan. Pangunahin dito ang mga magsasaka at manggagawa na naglunsad ng mga kampanyang pangkabuhayan bilang tulong sa pag-angat ng kanilang hilahod na kalagayan, kahit na ang mismong gobyerno ay bigo sa pag-aangat ng ekonomiya ng bansa.

Halimbawa ang pagdami ng mga unyon at paglawak ng kasapian ng mga ito, sa kabila ng kontraktuwalisasyon na pumipigil sa karapatang mag-unyon ng mahigit 60 porsiyento ng mga manggagawa. Pagmamalaki ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU (Kilusang Mayo Uno), ang pinakamalaking pambansang sentro ng paggawa, mahigit 20,000 manggagawa ang nadagdag sa kanilang kasapian (due-paying members) sa nagdaang taon.

Marami sa mga unyon sa ilalim ng KMU ang nagkamit ng mga tagumpay, katulad ng pagregularisa ng 1,500 manggagawa sa plantasyon ng Dole Philippines sa Polomok, South Cotabato na pinangunahan ng Amado Kadena-Naflu-KMU. Gayundin ang pag-uutos ng Korte Suprema noong Hunyo 21 na ibalik sa trabaho ng 143 manggagawa ng Bagong Nagkakaisang Lakas ng Manggagawa sa NMPI o Nissan Motor Philippines, Inc. sa Sta. Rosa Laguna na nakapiket simula pa noong 2000.

Samantala, ipinagbubunyi ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) ang paglakas ng mga organisasyong pangmagsasaka at manggagawang-bukid.

Nagbunga ang pursigidong kampanya ng mga magsasaka para maitaas ang presyo ng kanilang mga ibinebentang produkto sa ilang probinsya, ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP. Halimbawa, 50 sentimos hanggang P1 kada kilo ang itinaas sa buying price ng mais sa Cagayan Valley, gayundin ng kopra sa Bikol at Timog Katagalugan.

Nadagdagan din umano nang mula P5 hanggang P10 ang arawang sahod ng mga manggagawang-bukid sa mga probinsiya sa Gitnang Luzon, Silangang Bisaya, at Cagayan Valley dahil sa determinadong pakikipaglaban nila.

Bukod dito, ani Ramos, naging mahalaga ang sama-samang pagkilos sa pananatili ng mga magsasaka sa kanilang lupang sinasaka. Halimbawa, sa kabila ng tangka ng gobyero at mga debeloper na sila’y palayasin, nakatindig ang daan-daang pamilyang magsasaka sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas; Hacienda San Isabel at Hacienda San Antonio sa Isabela; at Central Mindanao University.

CPR, PP 1017 pinangibabawan

Tagumpay din para sa mga mamamayan ang pagbigo sa gobyernong Arroyo na pigilan ang kanilang organisadong lakas sa lansangan.

Idineklara ng pangulo ang CPR o calibrated pre-emptive response noong nakaraang taon at Presidential Proclamation 1017 naman nitong Pebrero. Ang mga ito’y kautusan sa pulisya at iba pang awtoridad para diumano’y mapanatili ang peace and order at bagkus supilin ang mga kilos-protesta.

Sa kabila nito, at bagaman laging tinatangkang marahas na buwagin, makailang beses ding nakapagsagawa ng mga rali ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor kasama ng mga kinikilalang lider katulad nina Bise-Presidente Teofisto Guingona at mga obispo.

Malalaking kilos-protesta ang naganap noong Pebrero 24, anibersaryo ng EDSA 1 (mahigit 10,000 katao); Abril 6 (mahigit 3,000 katao); Mayo 1, Araw ng Paggawa (mahigit 20,000 katao); at Hunyo 12, Araw ng Kalayaan (mahigit 20,000 katao).

Iginigiit ng gobyernong Arroyo na humina na ang pagtutol ng mga mamamayan sa kanyang panunungkulan dahil kumaunti na umano ang bilang ng mga kilos-protesta sa lansangan matapos ang nagdaan niyang Sona na dinaluhan ng may 80,000 katao.

Ngunit ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), “Ang mga kilos-protesta naman ay may pagrurok at may paghupa. Sa ngayon, kumukuha ulit ng momentum. Hindi natin maisasawalang-bahala ang epekto ng paninindak at pananakot ng administrasyon sapul ng CPR at PP 1017, pero napangibabawan ito eventually at panibagong pagsigla ang inaaasahan sa darating na mga panahon.”

Kung hindi dahil sa aktibong pagtutol ng mga mamamayan, maaaring naituloy na rin ni Pangulong Arroyo ang balak na baguhin ang 1987 Konstitusyon.

Hindi sang-ayon sa Cha-Cha ang iba’t ibang sektor ng lipunan dahil isa umano itong pakana para mapanatili sa puwesto si Arroyo at maiwasan ang isyu ng pandaraya noong halalang 2004. Gayundin, magdudulot din umano ito ng ibayong pandarambong ng mga dayuhan sa likas-yaman ng bansa. Sa ilalim ng panukalang Cha-Cha, papayagan na ang 100 porsiyentong pribadong pag-aari ng lupa at public utilities.

Nailunsad nitong Pebrero ang malawak na People’s March (People’s Movement Against Charter Change), alyansa ng mga mamamayang pursigidong lumalaban sa Cha-Cha sa pambansa at lokal na antas. Sa mga lokal na korte sa iba’t ibang probinsiya, nagsampa ang mga organisasyong kontra sa Cha-Cha ng temporary restraining order laban sa People’s Initiative, pakana ng administrasyong Arroyo na mangalap ng pampublikong suporta sa Cha-Cha. Mga ordinaryong sibilyan at lokal na opisyal ng barangay mismo ang naglantad kung paano sila binabayaran at pinupuwersang pumirma sa People’s Initiative. Bilang tugon, naglunsad din ang mga progresibong organisasyon ng signature campaign kontra sa Cha-Cha na umano’y nakakalap ng daang libong pirma mula sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa.

Dahil sa kawalan ng suporta mula sa oposisyon, hindi natupad ang deklarasyon ni Pangulong Arroyo noong 2005 Sona isasagawa ang Cha-Cha sa loob ng isang taon.

Nabigo mang umusad ang reklamong impeachment laban kay Pangulong Arroyo noong nakaraang taon dahil sa pagharang ng mga alyado ng administrasyon sa Kongreso, hindi binitiwan ng mga mamamayan ang ligal na rekurso para mapaalis sa puwesto ang sa tingin nila’y ilehitimong pangulo.

Ngunit bukodtangi sa panibagong reklamong impeachment na isinampa sa Mababang Kapulungan, hindi lamang mga miyembro ng pulitikal na oposisyon, kundi pati mga lider-simbahan at daan-daang ordinaryong sibilyan ang namuno.

Noong Hunyo 26, nagsampa ng citizen’s impeachment complaint sina Guingona at 200 indibidwal. Sinundan ito ng pagsasampa ng kaparehong reklamo nina Obispo Deogracias Yñiguez ng Kalookan ng Kilusan para sa Makabansang Ekonomiya; kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao; mga pari at taong-simbahan (Promotion of Church People’s Response); magsasaka at mangingisda (KMP, Pamalakaya, at Amihan); estudyante at kabataan (Youth Dare); kababaihan (Gabriela), at iba pang mga indibidwal na kumakatawan sa iba’t ibang sektor.
“Sa pamamagitan man ng impeachment o People Power, kailangan nang umalis ang diktador,” pahayag ni Reyes.

Sa darating na Sona, muling magpapakita ng lakas ang mga mamamayan. Hindi man humantong sa panibagong People Power, kanilang patutunayan na ang pagkakaisa at paglaban ay buhay na buhay.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home