Wednesday, November 01, 2006

Iskolar na anak ng pinaslang na mamamahayag: Nag-aaral para maghilom

Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly, Vol. 5 Isyu 17
Mayo 4 2006

NATIGIL sa pag-aaral si Rynche Garcia Arcones matapos barilin at mamatay sa harap nilang magkakapatid ang ina na si Marlene Esperat, isang mamamahayag mula sa Tacurong City na kilalang lumaban sa korapsiyon.

Ngayon, unti-unti nang bumabalik sa normal na buhay ni Rynche, 23. Masikhay at determinado si Rynche na matapos ang kursong Management Accounting. Ikaapat na taon ni Ryche sa kolehiyo sa darating na pasukan at sa katunayan, kumukuha pa ito ng summer classes para makahabol sa mga klaseng nabitawan nang dahil sa trahedyang naganap noong Marso 24, 2005.

Isa si Rynche sa 33 anak ng mga pinaslang na mamamahayag mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na pinagkalooban ng scholarship ng BMSF (Bevil Mabey Study Foundation), KsK (Kasangga sa Kaunlaran), at NUJP (National Union of Journalists in the Philippines).

Hindi pa tapos ang paghahanap ng hustisya para sa pinaslang na mga mamamahayag pero sana’y makatulong ang scholarship na mabawasan ang paghihirap ng kanilang mga naulila, ayon kay Inday Espina-Varona, tagapangulo ng NUJP.

Sa ilalim ng gobyerno Arroyo, 39 mamamahayag ang napaslang nang dahil sa kanilang trabaho, ayon sa talaan ng NUJP. Dahil dito, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansang pinakapeligroso para sa mga mamamahayag. Pitumpu’t anim na mamamahayag na ang napaslang simula noong 1986.

Kamakailan, nagtipun-tipon ang mga iskolar sa Kamaynilaan para magkakilanlan, mabigyan ng counselling, at makapamasyal.

P1-Milyon kada taon sa loob ng limang taon ang ibibigay ng BMSF sa mga iskolar habang sasagutin naman ng KsK ang iba pang mga gastusin sa implementasyon ng bukod-tanging scholarship.

Pamana ni Marlene Esperat

Gumaan ang loob ni Rynche nang nakapagtestigo ito sa wakas noong Abril sa Cebu City Regional Trial Court (kung saan inilipat ang kaso ni Esperat mula Sultan Kudarat). Bagaman nakapaloob pa rin ang pamilya Esperat sa Witness Protection Program ng DOJ (Department of Justice), aniya’y nabawasan na ang takot nilang magkakapatid.

Noong buhay pa si Esperat, inihanda niya ang kanyang mga anak sa anumang maaring mangyari sa kanya at laging pinapayuhan ang mga ito na pahalagahan ang pag-aaral. “Sinasabi niya ‘may death threat ako, ikaw na bahala sa mga kapatid mo,’ dapat daw maging responsable kami, ayusin yung pag-aaral, kailangan magtapos kami,” kuwento ni Rynche.

Dating opisyal ng DA (Department of Agriculture) si Esperat na nagbubulgar sa sari-saring katiwalian sa ahensiya simula pa noong dekada ‘90. Noong 2005, nagsampa si Esperat ng kaso laban sa matataas na opsiyal ng DA, kabilang si undersecretary Jocelyn Bolante, hinggil sa paggamit ng pondo sa abono para sa 2004 eleksiyon. Bago mamatay, si Esperat ay nagsusulat ng kolum para sa pahayagang Midland Review at may programa sa lokal na istasyon ng radyo.

Sa kabila ng nangyari, ipinagmamalaki ni Rynche ang kanyang ina dahil batid niya ang kahalagahan ng ipinaglaban nito. “Hindi naman kami bulag, laging ini-re-remind niya kami na yung ginagawa niya ay para rin sa future namin. Talagang nag-dedicate siya (ng buhay) sa mga tao kasi nakita niya yung mga problema sa gobyerno. Alam niya na kung pabayaan niya ‘yun, kami ding future generation ‘yung maaapektuhan,” aniya.

Bukod kay Rynche, iskolar din ang mga kapatid nitong sina Janice May, 25, Kevin Jorge, 13, at James Derreck, 9.

Laban ni Romeo Sanchez

Malaking tulong ang scholarship para kay Elvira Sanchez, asawa ng pinaslang na mamamahayag na si Romeo Sanchez. Simula nang mamatay si Sanchez, walang ibang ikinabubuhay ang pamilya kundi ang maliit na negosyo ng pagluluto ni Elvira. Aniya’y mabuti na lamang at inako ng scholarship ang kalahati ng kabuuang gastos pang-edukasyon ng kanyang mga anak na sina Arantya Karizzah, 13, Arriane Karollyn, 22, Romeo Alezzandro, 10, at Rosenda Kalayaan, 9.
Si Sanchez, brodkaster ng istasyong DZNL sa Baguio City, manunulat para sa pahayagang Northern Dispatch, at koordineytor ng Bayan Muna party-list sa Ilocos, ay binaril sa pampublikong palengke sa Baguio City habang namimili.

Malaki ang trauma na dinanas ng pamilya Sanchez nang dahil sa nangyari. Kuwento ni Elvira, nag-iba ang pag-uugali ng kanyang mga anak na paminsa’y bigla na lamang nagiging bayolente. Maging siya, muntik na umanong “bumigay.”

Ngunit sa halip na malugmok sa lungkot, naging aktibo si Elvira sa pangangampanya na makamit ang hustiya para sa kanyang asawa at iba pang mga aktibistang pinaslang sa rehiyon ng Cordillera.

Matatalino at nasa honor roll ang kanyang mga anak, pagmamalaki ni Elvira. Bunga umano ito ng pagsisikap noon ng kanilang ama na turuan sila sa iba’t ibang mga aralin, kabilang na dito ang pagsusulat.

Dalawa sa kanyang mga anak ang nagsusulat din para sa pahayagang pangkampus dahil “tinutularan nila ang kanilang ama.”

Nagpapasalamat din si Elvira na mulat ang kanyang mga anak sa ipinaglalaban nilang mag-asawa. “Pati sila sumasama sa mga pagkilos namin, kahit alam nila kung gaano ka-risky,” aniya.
Bilang tapagatanggol sa mga karapatang pantao, pinagbabantaan na rin ang buhay ni Elvira. Inirereklamo ni Elvira na wala pang naaarestong suspek at hindi umuusad ang kaso ng kanyang asawa. “Wala talagang lutas sa kaso kung sila rin (gobyerno) ‘yung gumawa,” ani Elvira, na naniniwalang ahente ng militar ang pumaslang kay Sanchez.

Bagaman hindi pinanghihinaan ng loob si Elvira, inaamin nitong napapaiyak siya tuwing nakakakita o nakakarinig ng kaso ng pagpaslang sa aktibista o mamamahayag nang katulad ng kanyang asawa.

Payo ni Edgar Amoro

Para naman kina Edel Grace at Edel Christie, mga anak ng mamamahayag na si Edgar Amoro, pananalig sa Diyos ang tumutulong sa kanilang igpawan ang trahedyang sumapit.

Habang papauwi mula sa eskuwelahang pinagtuturuan, pinaslang noong Pebrero 2, 2005 si Amoro, pangunahing testigo sa pagkakapatay sa kapwa mamamahayag na si Edgar Damalerio ng Pagadian City.

Simula noong 2002, nasa ilalim sa Witness Protection Program ng DOJ ang buong pamilya ni Amoro.

Hinahangaan ni Edel Grace, 23, ang kanyang ama dahil sa kabila ng pagbabanta sa buhay at tangkang panunuhol, hindi ito bumitaw sa paghahanap ng hustisya para kay Damalerio hanggang sa kanya itong ikamatay. Isa rin umano itong human rights advocate at madalas tumuligsa sa korapsiyon sa gobyerno.

“Mahirap lang talaga (noong una) kasi hindi namin inaasahan, hindi pa kami ready na mawawala siya sa amin. Ngayon okay na, kasi alam namin na nandiyan lang siya, na nag-wa-watch lang siya sa amin,” ayon kay Edel Christie, 15, na isa sa mga huling nakausap ng ama bago ito namatay.

Napilitan nang lumikas ang pamilya Amoro mula sa Pagadian City. Bagaman nakararanas na si Edel Christie nang kaunting luwag sa pagkilos, na-mi-miss niya ang kalayaang natatamasa noong wala pang banta sa kanilang buhay. Higit pa rito, na-mi-miss niya ang kanyang ama na labis niyang minamahal.

Ani Edel Christie, iskolar at 4th year haiskul sa darating na pasukan, susundin pa rin niya ang payo ng kanyang ama na huwag muna mag-boyfriend at sa halip ay paghusayan ang kanyang pag-aaral. Nais niyang maging maging nars, aniya’y para na rin makapangibang-bansa at mailayo ang pamilya sa takot at panganib.

Iskolar din ang mga kapatid ni Edel Christie na sina Edelangelo, 14 at Earl Mark, 12.

Mailap pa rin ang hustisya para sa mga pinaslang na mamamahayag na kinikilala bilang mga patriyotikong bayaning nagbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at kalayaang magpahayag. Hindi man tuluyang mabura ang mapapait na alaalang kumintal sa murang isipan ng naulila nilang mga anak, patuloy ang paghilom nga mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagtuklas ng sariling maiaambag sa mundo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home